SEMENTADONG GUBAT
sa sementadong gubat
ang buga ng dragon ay usok na polyuted
ang mga malahiganteng uod ay nagpruprusisyon sa kalsada
na nagdadala ng balisa at pagkaabala.
gayundin ang mga puno ay wala ng sanga
nilagasan at inistatawa...
puro bunga ay paninda.....
butas-butas rin ang semetadog gubat....
pinatakan ng asido't lason
ang mga ilog ay naging iskinita
na taguan ng mga bampira.....
taguan ng mapupula ang mata
ang mga hayop ay laging abala
takbo rito.... takbo roon
naghahanap ng pwedeng sakmalin
naghahanap ng pwedeng sagpangin
naghahanap ng pwedeng patayin....
rinitwal na rin ang pagpatay
at pagtapon sa basurahan ng buhay....
katuwaan na rin ang pagluha
at pagdusta-dusta
at pagtapak sa asong nambabasura
at natutulog sa gilid ng kalsada
ang mga ibon dito ay makina
na ang pugad ay doon sa mansyon ng pera
doon sa galamay ng pugita
na ang malaki lang ay ang mata
kumot na rin sa sementadong gubat
ang lambong karimlan
at matang tulalang nakamulat.
BINIGKAS NA
At binigkas na ang mga salita
ang salitang dahan-dahang hinugot sa kaibuturan ng puso
upang baguhin ang sanlibutan
upang baguhin ang sangkatauhan.
at binigkas na mga parilalang
hiniram pa sa dila ni Bathala
upang ang tamis ay maging lantay
tulad ng nektar ng bulaklak
na sinuyo ng mga bubuyog
at ambrosiang dinilaaan ng mga diyos ng Olympus.
upang lipulin ang itim na usok na nananagana
at nagnanaknak na sa ugat ng lipunan.
at binigkas na ang mga pangungusap
ang pangungusap na tila alingawgaw pa ng tinig ni Bathala
ng likhain niya ang langit at lupa
ang araw, ang buwan at mga tala
at ang mga pangungusap na yaon ay ito na....
ito na.......
papalabas na sa labi ng bulaklak
na hinagkan ng pag-asa....
"Tao mamuhay ka sa pag-ibig!"
"Tao mamuhay ka sa paniniwala at pag-asa!"
"Tao mamuhay ka ayon sa kalooban ng Diyos!"
TAGPUANG-DAAN
hi......
isang salitang minutawi ng aking dila
ng muli kaming magkita
nagtitigan ang aming mga mata
matagal iyon tila naghahanap......
hinahanap ang talulot ng pag-ibig
na matagal ng napigtas at nalanta
subalit naroon pa ang bakas
bakas ng isang kahapon
na tila dumikit nang mantsa sa kaibuturan ng aking puso
na hindi natinag ng panahon at unos....
tila umikot ang daigdig
at nakalimutan kong sa gitna pala kami ng daan
daanang binagtas rin namin noon....
kumusta!
pangalawang salitang nasambit ng labi kong lumimot sa ngiti
na nagdikitan na
simula ng araw na ako iniwang mag-isa
sa daang naging saksi ng nakaraaang pagtawa
kumibot-kibot ang labi mo
kasabay ng pagtulo ng iyong luha
luhang 'di ko matukoy kong lungkot o saya
umagos iyon sa pisgi mong noon ay hinahaplos ko
halos walang nabago sa iyong anyo
ikaw pa rin ang babaeng una kong minahal
minamahal.....at pakamamahalin
naaalala mo pa ba ako...
huling salitang naisip ng utak kong pugad ng kalungkutan
pariralang punumpuno ng kahulugan.....
kahulugan na kong naalala mo pa ang aking pag-ibig
kahulugang kung mahal mo pa ako
kahulugang kung dumampi man lamang ako sa isip mo
noong lumipas na panahon a di tayo nagkita
..........laking gulat ko ng humagulhol ka...
at umiyak ka sa aking balikat.....
KWERDAS
Kalabitin! kalabitin!
Ang kwerdas kalabitin!
Himno ay pag-asa
Awit ng ligaya!
Lahat ay magsaya
Sa tunog ng gitara!
Sa gabing madilim
Pampalis panimdim
Kalabitin! Kalabitin!
Ang kwerdas kalabitin!
Tunog ay haplos
Sa puso'y nangyayapos.
Lahat ay maligaya
Punong-puno ng pag-asa.
EKSENA
Kumilos ang mga anino
Bawat hakbang ay sigurado
Mga sibilyan at armado
Sama-sama hawak kamay
Sumisigaw, humihiyaw...
Tinalunton ang kalsada
Masisidhi ang nasa,
Damdaming nagliliyab
Nagkagulo ang media
Lumabas ang mga mapagsamantala
Kinilig ang mga pulitiko
Tuwang tuwa at nagpainnterbyu
Nagprusisyon ang mga armor car
Nagrampa ang mga militar
Nagpakitang gilas mga mga pulis
Na sa arogante ay labis
Nagpatupad ng Curfew
At kalupitang Martial law
Pilipino'y nalito, nagkagulo
Sinara ang mga negosyo
Ekonomiya'y bumagsak
Bumagsak pati piso
Ngunit bigo pa rin mapatalsik ang pangulo.
Sumakit ang ulo
Ng maraming Pilipino.
Tanong ko,
Bakit sino bang bumoto?
Hindi ba kayo?
(manila peninsula scandal)
No comments:
Post a Comment