Elehiya ng isang Prostitute
Ang punit at tagpi-tagping kumot
Pantalukbong sa kaapihan at pamamaluktot
Ang saksi sa maharuyong bangungot
Na sa ulo ko palakol na pumugot.
Ibinilanggo ako anghel na bugaw
At ang dignidad ko ay ipinapanakaw.
Sa haplos at halik ng mga halimaw.
Ang sariling kahinaan ni makasigaw!
Umiiyak ang mga duguang tala
Sa mga gabing ako’y ginagahasa
Ng mga kapuri-puring bakunawa.
At ang lipunan sa aki’y tumutuya.
Nananangis ang batis at buwan
Hindi dahil saplot ko ang kahihiyan
Kundi sa kipot ng ‘di malagusang isipan
Ang lipunan, patuloy akong pinagtatawanan.
Ngayong gabi ako’y narito sa batuhan
Iniwang walang malay at luhaan
Matapos na paulit-ulit na parausan
Ang lipunan buhay pa akong pinaglalamayan.
Kamatayan nga ang hantungan
Ng isang kalapating ‘di makalipad
Kaya naging makasalanan.
Kamatayan nga marahil ang hantungan!
Megalomania
Tinuklas ang gamot na pamatay ng buhay
Upang bumuo ng buhay mula sa patay.
Kalansay binubuhay, damdami’y pinapatay
Isip pinapasabog saka mabubuhay.
Diniyos ang sariling pinapagano
At ang sariing utak inalay sa diyablo
Habang inaawit ang halakhak ng demonyo
Unti-unting nalulusaw ang luhaang mundo.
Sinisisid ang lalim ng kababawan
Hinanap ang ikli ng kaligayahan
Na ginagatas sa suso ng katanyagan
Sinisipsip ang nektar ng kabaliwan.
Kinakalabit ang gatilyo ng kasamaan
Dumadanak ang dugo sa paananan
At habang itinatayo ang sunguyang templo’t kaharian
Ang tulang ito’y walang kamatayan.
Lipad Anak!
Kampay anak kampay, kampay ang kampay
Sige anak kampay abutin ang ulap,
Ligaya ng buhay, suungin ang bugso
Mundo ay makulay, puhunan mo'y bagwis
At gabay ni inay. Ang tibay ng loob
Hinabi ni Itay. Huwag matakot
Kami iyong gabay. Sige anak kampay
Kampay anak kampay!
Tingin anak tingin, tingin anak tingin
Sige anak tingin iwas sa namumuwing
Umiwas sa bangin lason at patalim
Na sangkap ng hangin makipambuno ka!
Iwasan ang pain huwag hayaan ika'y lupigin.
Mga bilin ni Ina iyong alalahanin.
Pangako kay Itay piliting tuparin
Damhin iyong puso nawa'y dingi't sundin
Sige anak tingin, tingin anak tingin......
Payapa na
Kapos-hininga........
Pautal-utal na hulling habilin.
Panalanging minusika
Sa taingang makarinig hindi.
Alaalang sinulyapan
Ng matang nakapikit.
Lumuluhang kandila....
Kulubot na bulaklak...
Along nangingisay.....
Dahong luoy...........
Pasarang kurtina
Sa tanghalan ng buhay.
Krus na itinayo.....
Yungib na hinukay...
Katawang ibinaon....
Mga matang lumuha....
Ibong nangagluksa....
Mga talang lumuha....
Ahhhh....Payapa na,
Payapa na......
Payapa na......
Flor Contemplacion
Sabay ng paglayo, puso'y nagdurugo
Pag asa'y linirip, pilit sinisilip.
Pagkat sa ibayo, pagluha'y inako
Sa banyagang mukha nakisalamuha.
Luha'y tanikala, dusa'y pinipiga
Oras panalangin sa malayong tingin.
Lakas 'di matinag sa isip na hungkag.
Mukha'y inaaninag sa dilim ay bihag.
Humarap,tumalikod ni walang humagod
Sa hina na ng tuhod sa pagkakaluhod!
Ang pagungulila linunok ng dila
"Kinabukasang nasa makamtan na sana"
Simula umaga bulong mo sa t'wina.
Palad nagdurugo, panaghoy sa puso.
At ang milyang layo, pasang krus at pako....
Paghahanap
Saan?
Dito ba? Doon ba?
Saang liko ba?
Halungkat....tapon, kalat....
Wala!
Saan ka ba nakatago?
At 'di ko mahanap,
Sa libro ka ba at agham?
Sa alahas ka ba at pera?
Sa alak ka ba at kasiyahan?
Sa kinang ka ba ng ginto?
O sa patak ng bawat luha?
Sa imbay ka ba ng dahon,
O sa halakhak ng alon?
Saan ka ba naroroon?
At 'di ko masumpungan
Ikaw ba ang hiwaga
Sa bawat pagngiti ng bulaklak
O sa taghoy ng dahong luoy?
Ikaw ba ang ungol ng hanging habagat
O ang malamyos na tinig-dagat?
Saan ka ba nagkakanlong?
Saan ka ba nagkakandong?
Doon ka ba sa hinhin ng tubig
O sa himig ng pag-ibig?
Ikaw ba ang kapangyarihang 'di natatanto
Ni naararo ng isip-tao?
Ikaw ba ang misteryo
Na itinatatgo ng rosaryo?
O ang mapanganib na bagyo
Na lubhang mapanira sa tao?
Saan?
Diyan ba? Nakita mo na ba?
Saang gilid kaya?
Sisid.....
Bungkal.....
No comments:
Post a Comment