Sunday, January 2, 2011

Palanca


CHICHARON AT KORNIK


I

10:40 ng umaga ng dalhin ako sa execution room
Oh! Bakit kayo narito
Mamatay na ba ako?
Kay Anak
Gragraduate ka anak
Congrats anak !
Salutaturian ka
Sinong kayang sasabit ng medalya sa iyo?
Nawawala ang ama mo
Marahil ibinubulong ang hilahil
Sa kawalan o kaya sa karimlan
Tulala ang lola mo
At halos ’di na mapatid ang pagluha
At pagtawag sa pangalan ko na
Katunog na ang saklap ng trahedya…….

Mag-aral kang mabuti anak
Yan ang habilin ko……
Sayang ’di mo na nahagkan
O nadampian man lamang
Ang huling hininga ko……
Yakapin mong mahigpit, anak
Ang malamig na bangkay ko
O ang banga ng abo ng buhay ko
Ito ang regalo ko sa graduation mo
Na maging ako di ko gustong ibigay sa iyo…..

Oh! Bakit kayo narito
Mamatay na ba ako?

Kay Ama’t Ina
Pasensya na Ina
At ’di ko na natikman ang pasalubong ninyo.
Malutong pa naman ang Chicharon
At nakakatakam din ang Cornick….
Di bale nabusog naman ako ng pagmamahal ninyo
Na buong puso kong nadama
Sa loob ng isang oras bago ako ipasok
Sa execution room
Ramdam ko ang inyong pag-aalala, takot, at pagmamahal
Hayaan at magiging anghel ako
Na gagabay sa inyo….
Kung ang mga luha nga talaga ay ginto
Sama mayaman na tayo
At di na magdurusa ng ganito……

Oh! Bakit kayo narito
Mamatay na ba ako?

Sa mga Kapatid ko
Kita ko ang lumbay
Sa inyong mga mata
Huwag mag-alala
Magpakatatag kayo……
Marahil ilang minuto na lang at
Yakap ko na siya
Ang inutangan nating lahat ng buhay.
Hayaan at ibubulong sa kanya
At paghihirap na sinapit
At hayaang ko na siya na ang maningil
Ng katarungan ko….

Oh! Bakit kayo narito
Mamatay na ba ako?

Sa Pilipinas na bayan ko
Ang aking kamatayan
Ay aalingawngaw……
Ang aking pagbitay ay isusulat sa maraming pahayagan
Magiging sikat ako sa Internet at radyo
Maging sa telebisyon
Aabangan ang aking bangkay
At sa paliparan ay tila Reyna akong
Ipuprusisyon….
Habang magsisiksikan ang mga usyusero at usyusera
Ang mga media men
Na nais makakuha ng bagong scope
At mga photographer na nais makakuha
Ng magandang shot para sa kanilang promotion…..
Kokonvoyan ako ng mga pulitiko
Na ang iba kunwari-kunwariag nakikisimpatiya……
Pag-uusapan ako sa bawat eskinita at kanto
Alam kong ilang linggo rin akong magiging sikat
Bago maibabaon sa kasaysayan
Ay titingalain akong tulad ng mga kilalang bituin.
Alam ko, di’ mabilang ang mga matang
Humusga sa akin
Wala akong hinanakit sa inyo
Iyan ay kalayaan ninyo…..
Subalit bago sana malimot
Ang trahedyang kinasadlakan
Aral ay mapulot ng buong sambayanan
Na huwag basta-basta magtitiwala
Kahit na sa kaibigan…..
12:00 ng bitayin ako………
(para kay Sally Ordinario-Villanueva)

II
(Mamatay, mabuhay sa pawis na tunay
'Sang kadakilaang, dapat hangaan.)


Sabay ng paglayo, puso'y nagdurugo
Pag asa'y linirip, pilit sinisilip.


Pagkat sa ibayo, pagluha'y inako
Sa banyagang mukha nakisalamuha.

Luha'y tanikala, dusa'y pinipiga-
Oras panalangin sa malayong tingin.


Lakas 'di matinag sa isip na hungkag.
Mukha'y inaaninag sa dilim ay bihag.


Humarap,tumalikod ni walang humagod
Sa hina na ng tuhod sa pagkakaluhod!


Ang pagungulila linunok ng dila
"Kinabukasang nasa makamtan na sana"
Simula umaga bulong mo sa t'wina.


Palad nagdurugo, panaghoy sa puso.
At ang milyang layo, pasang krus at pako....




III
Telon kang tingnan
Pantabing sa hubad na entablado
Ng buhay ni Gina.


Marikit ang iyong kulay
Kabaliktaran sa totoong buhay
Na kinahihigaan niya ngayon.


Paminsan-minsan isinasayaw ka ng hangin
At agad ka namang lumalambitin
Magkatulad nga kayo ni Gina.


Sa gabing nag-iisa at maginaw
Saplot ka ni Ginang uhaw
Sa sapat at kasapatan sa buhay.


III

Estatwang itinuturo ang malayo......
‘di matukoy kung ang nakaraan
o ang paparating
kung silangan o kanluran,
kung timog o hilaga.........

Umiiyak si Nena na noon ay pito......
na naliligaw sa siyudad
ang mga sasakyan ay paroo't parito
pakaliwa pakanan
paliko sa mga eskinitang nagliliitan.....


Estatwang itinuturo ang malayo......
‘di matukoy kung ang nakaraan
o ang paparating…..
kung silangan o kanluran
kung timog o hilaga.........


Estawang sumasayaw si Nena na ngayon labingpito
sa entablado ng aliw
hubo't hubad na pinagnanasahan
ng mga asong ulol
at siya ay naliligaw pa rin sa mundo..........

IV
….. bulaklak sa pugad ng mga taksil
......balaraw na tumarak sa isang ina
......na ibinitin ang sarili
......habang namamalahaw ang apat na yagit na anak
......na itinalukbong ang kumot ng pagkatakot........


V

Sa sementadong gubat
ang buga ng dragon ay usok na polyuted.
Ang mga malahiganteng uod ay nagpruprusisyon sa kalsada
na nagdadala ng balisa at pagkaabala,
gayundin ang mga puno ay wala ng sanga
nilagasan at inistatawa...
puro bunga ay paninda.....
Butas-butas rin ang semetadong gubat
Napako na naman ang pangako ni Mayor....
Pinatakan ng asido't lason.
Ang mga ilog ay naging iskinita
na taguan ng mga bampira.....
Taguan ng mapupula ang mata!
Ang mga hayop ay laging abala
Takbo rito! Takbo roon!
Naghahanap ng pwedeng sakmalin
Naghahanap ng pwedeng sagpangin
Naghahanap ng pwedeng patayin....
Rinitwal na ang pagpatay
at pagtapon sa basurahan ng mga inosenteng buhay....
Katuwaan na rin ang pagluha
at pagdusta-dusta
at pagtapak sa asong nambabasura
at natutulog sa gilid ng kalsada!
Ang mga ibon dito ay makina
na ang pugad ay doon sa mansyon ng pera
doon sa galamay ng pugita
na ang malaki lang ay ang mata
kumot na rin sa sementadong gubat
ang lambong karimlan
at gwardiya ang matang tulalang nakamulat.


VI

Bata pa ako ngunit naririto
Kapiling ng kalabaw, itik at pato
Sa bawat umagang pag-asa'y dala
Lalo namang lumalayo ang pangarap na tala
Ang awit ng kuliglig
Sa katahimikan ng gabi'y tumutulig
Nananangis ang aking kaluluwa
Naghihina ang aking pag-asa...
Nais kong ako ay maupo
Sa silid na may nagtuturo
Nais kong ako'y makipaglaro
Hindi sa alaga kong hayop
Mandin sa kapwa ko tao...
Bata pa ako, ngunit ano ito?
Mukha ng kahirapan ang aking nakikita....
Takot ang sa puso ko
Namumugad ang pangamba...
(to Jonel my brother)


VII

Maghapong nakasahod
Ang lipaking palad
Naghihintay na mahulugan ng awa...

Sa kabilang bisig
Kilik ay sangol
Na umiiiyak na sa gutom.

Nanlilimahid......
Gulagulanit.......
Ang telang pinambalot sa murang katawan.....


Sa pagdaan ng isang sinuwerteg ginang......
Na nakabusal ang gintong kutsara
Tumaba ang mata
Nabulag bigla....

Imbes na awa ang ibigay
Lait at punyal na pandidiri at panghuhusga!
Nanhihiwa....
Nanunugat.....

Oh!! Bathala hindi ba sa parehong putik mo kami nilikha
Bakit ngayon ako ay dinudusta.....



IX
Isang tasang bula
Maganda lang sa tingin......
Nanloloko lang sa paningin.....
Magandang paglaruan
Pitik-pitikin....
Subukan mong tikman
Ang pait ng katotohanan

Ang buhay ay isang tasang bula
Maganda lang sa simula
Maganda lang kung ika'y musmos na bata
Pagpumutok na ang kinang
Pasanin na bigat ng mundong luhaan
At tikman na ang pait ng katotohanan....


Oh! Bula bakit ang buhay kay ikli
Matusok puputok......
Kisap matang tuwa...
Kisap-matang himala...
Kumilos na bago maging luha ang bula...


X


Nakahilata ang halat...
Walang buhay..
Obra sa mata ng kasaysayan
At sa dahon ng panahon
Na bubuklatin ng mga mapanuring mata
Pagdating ng silahis na ipapanganak pa lang!


Tila mga mumunting ilog and mga dugong umagos
Sa tigang na lupa.....
Sa lupang ni pinatakan ng awa
At mga yabag ng kamatayan
Ang alulong ng mga bulkan
Na nagdadalamhati sa kung ano 'di batid ang dahilan
mga tansong pinagpipingki
pinaghahampas.......
Prusisyon at konsyerto ng digmaan
Ng mga indayog ng pagpatay
Kabayanihan nga sarili...
Ha! Ha! kabayanihan ngang tinutuya!

Umuuusok ang mga bundok
Dinaanan ng sumpa ang paligid
Dinisenyo ang mga sirang tahanan
Na kandungan ng luha
Tila mga modelong ginawa
ang kalupitan sa pisngi ng patay na bata......


XI
Kumibot-kibot ang labing mamad
Na sa init-araw nakabilad
Lipaking palad ay nakasahod
Sa mga kaluluwang nakatanghod.

Walang awa! Walang na bang awa
Ang sandaigdigang isinumpa?
At piring-mata nang naglalakad
At ang mga paa'y nakatiyakad.

At ang kaluluwang awa'y hangad
'Di makitang patay na sa pugad.....
Busalan pa man ng libong awa
Wala na! O! Linunod na ng luha.

No comments:

Post a Comment