Thursday, May 17, 2012

Aratiles



Naaalala ko noong mas pinili mong akyatin
Ang   nababalot ng matutulis  na tinik na punong aratiles
At paikot-ikotin sa iyong palad ang kulay dugo nitong bunga
Hanggang sa lumambot at halos tumipwak
Ang kulay kalawang nitong laman
Sa mga linya ng iyong munting palad.
Kaysa sa ihatid sa huling hantungan ang ating lola
At makinig sa sermon ng pari
Habang  humahagulhol ng ating ama’t ina.
Tuwang –tuwa ka noong  ipinakita sa amin
Ang nakuha mong mga bunga
Na umiikot-ikot na sumasayaw  sa nigong pinaglagyan mo.
Marahil di mo nga nakita ang bigat ng aming hakbang
At namumugtong mata ng buksan at sarahan
Ang makipot na lagusan ng buhay.
Masakit sa tainga
Ang paglapat ng pala sa mga buhangin at semento
At mumunting graba
Na hinahaluan ng pawis ng sepulturero.
Tila bahaghari noon sa balikat ni  ina  ang kamay ng ating ama
Mahigpit  ang hawak sa mga puting lobo
Ayaw pang payakapin sa malayang hangin
At pahalikin sa mga puting ulap.
At ngayon sasalubungin mo kami ng malapad na ngiti
Upang ipakita ang mantsang kalawang na dumikit  sa iyong puting ngipin.

No comments:

Post a Comment